‘Anti-Epal’ nakasingit sa P4.5-T 2021 budget, paalala ni Sen. Poe

Walang pagkakataon na maaaring magpa-‘pogi’ ang mga opisyal sa mga proyekto na pinondohan ng pambansang gobyerno.

Paalala ito ni Sen. Grace Poe dahil aniya, may probisyon sa 2021 national budget na hindi maaaring angkinin ng mga lokal na opisyal ang kredito sa mga pambansang proyekto.

“Taxpayers, not politicians, fund the projects and programs. Their names or photos have no place there,” aniya, sabay diin na, “public officials, whether elected or appointed, should not make it appear that their constituents owe them gratitude for the projects.”

Paliwanag nito, may ‘anti-epal’ provision sa 2021 national budget kung saan ipinagbabawal ang paglalagay ng pangalan, logo o kahit pirma ng lokal na opisyal o lokal na pamahalaan sa mga program, aktibidad at proyekto na pinondohan sa ilalim ng General Appropriations Act.

Base sa obserbasyon ng senadora ng ilang taon, nakagawian na ng ilang lokal na opisyal na ilagay ang kanilang mukha o pangalan sa mga proyektong pampubliko.

“Nakapaskil ang pangalan at litrato ng ibang politiko sa mga ambulansya, waiting shed, ultimo sa basurahan. Sa paggamit ng 2021 budget, bawal ang politikong epal. Tandaan natin, hindi natin pera ito, pera ito ng ating mga kababayan,” diin nito.

Read more...