Pinapayuhan ni Manila Mayor Isko Moreno ang mga deboto ng Itim na Nazareno na huwag nang ilagay sa peligro ang kanilang buhay upang maipahayag ang pananampalataya at debosyon sa Poon lalo na’t nananatili ang banta ng COVID-19.
Sa kaniyang panayam sa media, hinikayat ng alkalde ang mga deboto na ipahayag ang kanilang pananampalataya at ipakita ang pagmamalasakit sa kanilang mga mahal sa buhay sa pamamagitan ng pag-iwas sa pagkakalantad sa nakamamatay na virus.
“Nananawagan ako ulit, hindi naman siguro masama na hangga’t maaari ay magdasal tayo sa loob ng bahay, yung relasyon natin sa Diyos i-practice natin between Jesus and you, ikaw mismo,”pahayag ni Mayor Isko.
“Hindi natin kailangan i-expose ang ating sarili sa mga panganib. Hangga’t maaari, sa mga deboto, limitahan natin ang pagtungo sa Poong Nazareno sa araw ng kapistahan,” dagdag niya.
Ang kapistahan ng Itim na Nazareno ay ipinagdiriwang ng milyun-milyong mga deboto tuwing Enero 9.
Inilahad din ng allkalde na ang mga kalye ng Villalobos, Carriedo, Hidalgo pati na rin ang mas pinaayos na Plaza Miranda ay mananatiling bukas sa publiko na hindi pinayagang pumasok sa Simbahan ng Quiapo dahil sa limitadong kapasidad nito.
Ipamamahagi rin ang mga face shield at face mask sa mga deboto sa loob ng Quiapo Church upang masiguro ang kaligtasan ng publiko.
“Kaya mga kababayan, tulungan niyo na kami. Mairaraos natin ito nang ligtas. Nagawa natin noong Bagong Taon, nagawa natin noong Pasko. Huwag nating pariwarain ang sampung buwan nating paghihirap,” panawagan ng Alkalde.
“Alam ko 10 months masakit sa ulo, emosyon, ekonomiya, trabaho, hanapbuhay, so huwag nating itapon sa basurahan yung sakripisyo natin ng sampung buwan,” ani Mayor Isko.