Nagsasagawa na ng pursuit ops ang militar sa mga rebeldeng NPA na nangharass ng mga commuters at mga turistang lulan ng mga tourist buses sa Barangay Bitoon, Hinatuan, Tandag City, Surigao del Sur.
Ito ayon kay Col. Isidro Purisima, 402nd Infantry Brigade commander, ay matapos na barikadahan at harangin ng mga rebeldeng pinaniniwalaang miembro ng Guerilla Front Committee ng NPA ang lahat ng sasakyan nagmula at papunta sa Enchanted River, isang kilalang eco-tourism site sa lugar.
Sa impormasyon mula kay 1Lt. Karl Jan Devaras, commander ng 41st Civil Military Operations (CMO) Company ng PA, pinababa umano ang lahat ng sakay ng mga tourist bus at saka kinapkapan, sinigawan at tinutukan ng baril.
Bagaman matapos ang ilang minuto ay pinayagan din ang mga commuters at turistang makaalis, malaki umano ang magiging epekto ng nabanggit na insidente sa lokal na turismo sa lugar na syang inaasahang pinagkukunan ng revenue ng Hinatuan.
Sa kabila nito, minaliit ng militar ang nabanggit na insidente na umanoy bahagi lamang ng paggunita ng mga rebelde ng kanilang ika-47 taon anibersaryo kahapon.