Ina ng pinugutang bata sa Taiwan, walang bahid ng galit sa suspek

 

Sa kabila ng karumal-dumal na inabot ng kaniyang 4 na taong gulang na anak, nanatiling kalmado ang ina ng batang naging biktima ng biglang pag-atake ng lalaking sinasabing may sakit sa pag-iisip sa Taiwan.

Napukaw ni Claire Wang ang damdamin ng karamihan nang i-post niya sa kaniyang Facebook account na mapalad siya at araw-araw niyang nayakap at naipahayag sa kaniyang anak na mahal niya ito.

Bagaman emosyonal at halatang na-trauma sa pangyayari, nagawa pa rin niyang humarap sa mga mamamahayag.

Nagawa niya pang idetalye ang lahat ng mga pangyayari kung saan aniya’y sinubukan niya, ngunit nabigo siya na protektahan ang kaniyang anak na kinilala na lamang sa kaniyang palayaw ng Little Light Bulb.

Bigla kasing inatake ng suspek na si Wang Ching-yu si Little Light Bulb habang nagbibisikleta ito malapit sa kaniyang ina.

May criminal record na ang suspek kaugnay sa iligal na droga at sumailalim na rin pala sa psychiatric treatment.

Naging laganap ang galit ng publiko at mga panawagan na bitayin na ito agad tulad ng ginagawa sa mga taong nahatulan dahil sa pagpatay sa mga bata.

Gayunman, naniniwala si Wang na ang mga ganitong suspek ay wala sa kanilang sarili nang gawin nila ang krimen, at na hindi lang ang batas ang solusyon sa ganitong problema sa lipunan.

Ani Wang, umaasa siya na dahil sa nangyari, masolusyunan ang pinakaugat ng ganitong problema na nagmumula sa pamilya at edukasyon, upang hindi na magkaroon ng mga taong katulad ng suspek.

Panawagan niya pa sa publiko, patuloy lang na maniwala sa mga tao dahil nananatili namang maganda ang lipunan, at yakapin na lamang ang kanilang mga mahal sa buhay para sa kanila.

Umani ng papuri ang pagiging kalmado at pag-iisip ng ginang sa mabuting aral na isinilbi ng trahedya sa kaniyang pamilya.

Read more...