Hindi opsyon sa isyu ng agawan ng teritoryo sa West Philippines Sea o South China Sea ang pakikipag-digmaan ng PIlipinas sa ibang bansa.
Ito ang pagtitiyak ni Pangulong Benigno Aquino III sa pagharap nito sa mga mamamahayag na kasapi ng WAN-Ifra Publish Asia 2016 na isang taunang pagsasama-sama ng mga pahayagan sa Asya at mga news publishing industry.
Giit ni Pangulong Aquino, walang makikinabang sakaling sumiklab ang isang digmaan sa alinmang panig ng mundo.
Paliwanag pa ng Pangulo, kontra ang Konstitusyon ng Pilipinas sa anumang uri ng pakikidigma.
Gayunman, nilinaw ni Aquino na posibleng magdagdag ang bansa ng mga kagamitan na upang palakasin ang kakayahan ng PIlipinas na protektahan ang soberenya ng bansa.
Isa aniya sa mga nakikita niyang posibleng idagdag sa military capabilities ng Pilipinas ay ang pagkakaroon ng submarine force.
Positibo rin ang Pangulo na mareresolba ang isyu ng agawan ng teritoryo sa West Philippines Sea sa mapayapang paraan.
Matatandaang naghain ng reklamo ang Pilipinas sa United Nations Permanent Court of Arbitration dahil sa patuloy na reclamation ng China sa mga isla at bahura sa bahagi ng West Philippines Sea.
Inaasahan ang desisyon ng tribunal sa isyu sa darating na buwan ng Mayo.