Pagbili ng unang 750,000 doses ng COVID-19 vaccine, inaayos na ng QC LGU

Inaayos na ng Quezon City government ang pagbili ng unang 750,000 doses ng bakuna laban sa COVID-19.

Ayon sa QC LGU, isinasapinal na ang pakikipag-ugnayan sa isang multinational pharmaceutical company para sa mga bakuna.

Ayon kay Mayor Joy Belmonte, handa ang lokal na pamahalaan na bumili ng bakuna para sa mga residente ng lungsod.

“After implementing our test, isolate, and treat strategy, vaccination is our game plan now. This free vaccination program will definitely complete our efforts against this deadly virus,” pahayag nito.

Bibigyang prayoridad ng QC government ang 10,000 health workers, 300,000 senior citizens, 20,000 adult persons with disabilities, at iba pang priority sectors alinsunod sa rekomendasyon ng World Health Organization.

Noong Disyembre, inanunsiyo ng QC LGU na naglaan sila ng inisyal na P1 bilyon sa kanilang 2021 budget para sa pagbili ng mga bakuna at supply.

Sinabi ni Belmonte na posible pang madagdagan ang ilalaang pondo depende sa halaga ng mga bakuna, supply at iba pa.

“As soon as we have rolled out this vaccination program, we will definitely prepare for the next distribution and budget,” ani Belmonte.

Tiniyak naman ni QC Task Force on COVID-19 Head Joseph Juico na minamadali na ang pakikipag-ugnayan para sa COVID-19 vaccines.

“The deal will be completed anytime soon with one of the leading pharmaceutical companies. With a sealed partnership, we can immediately secure thousands of vaccines for our people,” ani Juico.

Aniya pa, sasailalim ang mga bakuna sa tamang proseso at documentation kabilang ang pagkuha ng approval ng Food and Drugs Administration (FDA) para sa emergency use authorization.

Read more...