Ipinag-utos na ng lokal na pamahalaan ng Kidapawan City ang pagbabawal sa mga trekkers na akyatin ang Mt. Apo ng 3 hanggang 5 taon sa gitna ng nagpapatuloy na sunog sa naturang kabundukan.
Ayon kay Mayor Joseph Evangelista ng Kidapawan City, epektibo March 27, ipasasara ang trekking ground sa Mt. Apo upang mabigyan ng pagkakataon na maipanumbalik ang nasirang natural habitat ng bundok.
Hindi aniya nila maaring isakripisyo ang likas na yaman ng Mt. Apo kaya’t upang maibalik sa dati ang mga nasunog na bahagi ng kabundukan, hindi muna nila pahihintulutan ang alinmang grupo na akyatin ito.
Matatandaang hanggang sa kasalukuyan, may ilang bahagi pa rin ng Mt. Apo ang nasusunog partikular sa bahagi ng Davao.
Tinatayang nasa 40 ektarya na ng bundok ang tinupok ng sunog na isinisisi sa bonfire na naiwan ng ilang mga iresponsableng trekkers.
Sa taong ito, nasa 1,000 mountaineers lamang ang pinahintulutan ng Mt. Apo Protected Area Management Board o PAMB na akyatin ang bundok.
Mas mababa ito kumpara sa 3,000 mountaineers na pinahihintulutang akyatin ang bundok noong mga nakaraang taon.