Naglaan ang Pamahalaang Lungsod ng San Juan ng P50 milyong pondo para sa pagbili ng bakuna kontra COVID-19.
Ayon kay Mayor Francis Zamora, magkakaroon ng libreng bakuna kontra COVID-19 para sa mga residente ng lungsod na nais magpaturok nito sa lalong madaling panahon.
Sa ngayon, nakikipag-usap na ang San Juan LGU sa national government at sa pharmaceutical companies para makakuha ng bakuna laban sa nakakahawang sakit.
Batay pa sa abiso, magiging prayoridad sa mga bibigyan ng bakuna ang health workers, frontliners at susundan ng indigent senior citizens alinsunod sa panuntunan ng World Health Organization o WHO, Inter-Agency Task Force o IATF at Department of Health o DOH.
Pagkatapos mabigyan ang mga kabilang sa priority list, magiging bukas na ito para sa lahat ng mga taga-San Juan na nais magpabakuna.
Tiniyak din ng San Juan LGU na ang bibilhing bakuna ay ligtas at dumaan sa maayos na pag-aaral ng mga eksperto at iba’t ibang gobyerno.
Maaaring magpalista ang mga residente sa mga health center at barangay hall.
Pwede ring mag-register ang mga residente sa COVID-19 Vaccination Online Registration Form (https://forms.gle/1N39ywUFnUdWwPgDA) o i-scan ang QR Code para rito.