BIR hahabulin ang mga taong sangkot sa money laundering scam

 

Inquirer file photo

Hahabulin ng Bureau of Internal Revenue ang mga personalidad na nadadawit sa 81-milyon dolyar na ‘money laundering scam’ na itinuturing na pinakamalaking insidente na nangyari sa financial system ng bansa.

Ayon kay BIR Commissioner Kim Henares, nagsasagawa na sila ng parallel investigation sa naturang scam upang kilalanin ang mga taong nasa likod nito.

Ang kanilang imbestigasyon aniya ay hiwalay pa sa pagsisiyasat na ginagawa ng Anti-Money Laundering Council o AMLAC.

Bagaman may mga pangalan na aniyang lulmulutang, hindi muna pinangalanan ni Henares kung sinu-sino ang mga ito.

Sakali aniyang kumpleto na ang kanilang imbestigasyon, agad nilang isasampa ang kasong tax evasion laban sa mga ito sa ilalim ng ‘Run After Tax Evaders o RATE program ng kawanihan.

Kasabay nito, hiniling din ni Henares sa Kongreso na ibasura ang Bank Secrecy Law upang hindi ito magamit na dahilan ng mga hinihinalang kriminal upang itago ang kanilang mga yaman.

Simula pa noong nakaraang taon, hinihikayat na ng BIR at Department of Finance na alisin na ang Bank Secrecy Law upang mas maging epektibo ang paniningil ng buwis ng ahensya.

Read more...