Hindi ipinagbabawal ng batas sa Pilipinas ang pagpapaturok ng bakuna kontra COVID-19.
Pahayag ito ng Palasyo matapos aminin ni Interior and Local Government Secretary Eduardo Año na nabigyan na ng bakuna kontra COVID-19 ang ilang Gabinete ni Pangulong Rodrigo Duterte at Presidential Security Group.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, ang tanging ipinagbabawal ay ang distribusyon at pagbebenta ng bakuna.
Sa ngayon, wala pang ibinibigay na awtorisasyon ang Food and Drug Administration ng Pilipinas sa anumang uri ng bakuna kontra COVID-19.
Ayon kay Roque, itinurok ang bakuna sa mga sundalo na pumayag na magpabakuna.
Hindi aniya dapat na ipagkait ang bakuna sa mga sundalo para magkaroon sila ng proteksyon.
Mahalaga kasi aniya ang papel na ginagampanan ng mga sundalo sa lipunan lalo na sa pagbibigay seguridad.
Ayon kay Roque, maaaring donasyon ang mga bakunang itinurok sa mga sundalo at walang bayad.
Sinabi pa ni Roque na maaaring may basbas ng commanders ang bakuna dahil hindi naman ito makararating sa mga sundalo.