Ayon kay Atty. Angelo Niño Santos, lumalabas sa toxicology analysis ng Southern Police District (SPD) Crime Laboratory na nag-ecstasy lamang si Durolfo at mga kasamang nadidiin sa kaniyang pagkamatay na sina Rodney Ynchausti, Molo Hwang, Josiebell Uy at Paul Egoc ilang oras bago nasawi si Durolfo.
Nakasaad sa report na inihanda ni Senior Insp. Rendielyn Sahagun na isang forensic chemist sa SPD Crime Lab, nag-positibo sa amphetamine ang 23.5 mililiters ng dugo at 5.2 mililiters ng ihi ni Durolfo.
Gayunman, nag-negatibo naman sa dangerous drugs ang 12.3 milileters ng stomach content ni Durolfo.
Ayon pa kay Santos, unang lumabas sa autopsy report ng mga pulis na nasawi si Durolfo dahil sa asphyxia gawa ng pananakal, na katulad rin ng nakasaad sa death certificate na ibinigay ng ospital.
Giit ni Santos, dalawang institusyon na ang nagsabi ng parehong posibleng ikinamatay ni Durolfo, at wala namang ni isa sa apat na suspek ang makapagpaliwanag kung bakit may mga kagat at pasa ang biktima sa kaniyang katawan.
Matatandaang naging kontrobersyal ang pagkakasawi ng hotel manager na si Durolfo noong February 26 na kasama pa ang kaniyang kasintahang si Ynchausti at sina Hwang, Egoc at Uy, na pawang mga itinuturong suspek sa insidente.