2nd leg ng Radyo Inquirer Issues Forum naging matagumpay

Kuha ni Jun Corona
Kuha ni Jun Corona

Naidaos ng matagumpay ang ikalawang bahagi ng Radyo Inquirer Issues Forum na ginanap kahapon sa Tarlac State University.

Kabilang sa mga kandidatong humarap sa forum at sumagot sa mga katanungan ay sina Vice Presidential candidate at Senator Bongbong Marcos, at mga senatoriable na sina Risa Hontiveros, Samuel Pagdilao at Dionisio Santiago.

Dumalo rin sa forum sina TransRadio Broadcasting Corp. President Paolo Prieto, Radyo Inquirer Station Manager Jake Maderazo, at Radyo Inquirer News Director at Arlyn Dela Cruz na nagsilbing host sa forum.

Kuha ni Jun Corona

Kasama ni Maderazo na tumayong panelist si Radyo Inquirer Anchor Aida Gonzales.

Napuno ng tinatayang nasa 2,000 mga residente ang Gym ng Tarlac State University. Kinabibilangan sila ng mga estudyante, senior citizens, mga barangay workers, at iba pa.

Sa tanong ni Gonzales kay Marcos, “Kayo po ay nasa Aquino country. May maaasahan bang siguradong suporta ang Tarlac?”

Sagot ni Marcos, “hindi dapat isipin na may Aquino country, na may Marcos country… lahat tayo ay mga Pilipino.”

Aniya, huwag na dapat isipin na ang Tarlac ay bansa lugar ni Pangulong Aquino, o maging ang mga Marcos ay may balwarte.

Aniya, bagama’t iba’t iba ang pinanggalingan, pinagmulan, lahat tayo ay mga Pilipino na nararapat na magutulungan.

Kuha ni Jun Corona

Sa nasabi ring forum, binigyang-diin ni Marcos ang kahalagahan na makatulong ang pamahalaan sa mga nasa lokal gaya ng barangay officials, barangay health workers o BHWs at iba pa.

Ani Marcos, hindi na niya kailangan pang hintayin na maging bise presidente siya at sa halip ay magiging boses ng local government units.

Bilang chairman ng Senate Committee on Local Government, alam na alam niya ang trabaho ng local executives, barangay employees at BHWs.
Punto niya, “kahit gaano kaganda ang gagawin ng national government, pero kung walang LGUs, walang barangay health workers, hindi ito mararamdaman.”

Sinabi ni Marcos na kapag naging VP siya, pag-aaralan niya ang mga bagong proposal gaya ng term limits sa LGUs, pagbibigay ng benepisyo lalo na para sa mga magreretirong barangay officials at workers at BHWs.

Pagtitiyak pa ni Marcos, kung siya ay magiging VP, makakaasa raw ang lahat na kikilalanin niya ang local government, aniya pa “kung hindi dahil sa inyo, hindi makukumpleto ang trabaho ng gobyerno.”

Kuha ni Ogie Sombilla

Samantala, nagkakaisa rin ang tatlong mga kandidatong pagkasenador sa pagsusulong ng kanilang mga programa patungkol sa mga benepisyo ng mga BHW.

Ayon kay dating Akbayan Partylist Representative Risa Hontiveros, dapat magkaroon ng pantay na benepisyo ang lahat ng mga manggagawa sa gobyerno at kasama na dyan ang mga BHW, at mga barangay officials.

Maliban dito, bilang isang kilalang health advocate at dati ring director ng PhilHealth, sinabi ni Hontiveros na dapat magkaroon ng libreng hospitalization sa mga beteranong BHW o mga BHW na tumagal na ng 10 taon o mahigit pa sa serbisyo.

Inihirit naman ng retiradong heneral na si Samuel Pagdilao ang pag-institutionalize ng mga benepisyo at gaya ni Hontiveros, naniniwala si Pagdilao na dapat magkaroon na talaga ng sweldo ang mha BHW tulad ng mga Barangay Chairman.

Kuha ni Richard Garcia

Giit din ni Pagdilao na dapat magsanay ang mga BHW para maging professional ang kanilang serbisyo sa bayan.

Samantala, kapag nahalal naman sa senado, isusulong ni Gen. Dionisio Santiago na magkaroon ng security of tenure ang mga BHW at mabigyan ng mga benepisyo kapag nagretiro.

Sa problema naman sa droga, nakikitang solusyon ni Hontiveros ang maayos at epektibong justice system lalo na at nagiging teribleng industriya na umano ang ilegal na droga sa buong mundo.

Bilang dating mga law enforcer, sa ilalim ng kanyang slogan na ‘Gusto Ko Safe Ka!’, naniniwala si Pagdilao na dapat ng isulong ang pagbabalik ng death penalty pero sa mga dayuhan lamang na nagdadala ng droga sa Pilipinas.

Kuha ni Richard Garcia

Samantala, iginigiit naman ni Santiago, bilang “nagserbisyo sa gobyerno ng 44 years ay nagtangka siyang bumalik sa government service dahil sa problema ng droga.

Napansin din ni Santiago, na naging director din ng BuCor na balitang-balita ang talamak na droga sa BuCor.

Giit ni Santiago, “ayaw ko na maging kabataan problema ng batas, gusto ko kabataan maging pagasa ng bayan”.

Ang Radyo Inquirer ay mayroon pang 3rd leg na magaganap sa buwan ng Abril.

 

Read more...