Dumepensa ang kampo ni Liberal Party standard bearer Mar Roxas kaugnay sa kontrobersyal na comics tungkol sa kaniyang presensya sa kasagsagan ng super bagyong Yolanda sa Tacloban.
Kumalat kasi sa social media ang litrato ng nasabing comics na may pamagat na “Sa Gitna ng Unos,” na mariing binatikos ng mga netizens.
Sa isang pahayag, nilinaw ni Akbayan Rep. Barry Gutierrez na ang mga taga-suporta ni Roxas ang gumawa ng comics, upang maiparating sa mga tao ang naging tulong ng kandidato noong panahon ng Yolanda.
Ginawa ito sa gitna ng patuloy na kumakalat na aniya’y mga kasinungalingan tungkol sa tulong na ibinigay ng kanilang pambato.
Kabilang sa mga bumaitkos ay ang manunulat sa Tacloban na si Lottie Salarda na nagsabing naroon siya noon at hindi alam ni Roxas na tatama ang bagyo ng alas-singko ng umaga.
Sinabihan pa ni Salarda si Roxas na baliw, dahil magkaiba aniya ang kwento nito sa alam ng mga naroon.
Giit ni Gutierrez, normal lang na may halo itong drama dahil isa itong comics, ngunit pinaninindigan aniya nito ang katotohanan sa mga nagawa ni Roxas noong panahon ng unos.
Bukod sa tulong ni Roxas sa Yolanda, ipinakita pa sa 29-pahinang comic book ang mga pinagdaanan ni Roxas sa pulitika mula sa pagiging kongresista hanggang sa pagiging kandidato sa pagka-pangulo.