Bukod sa nakikita niyang magagandang katangiang taglay ni Sen. Grace Poe bilang isang tagasilbi sa publiko, utang na loob at matagal na pagkakaibigan sa ama nitong si Fernando Poe Jr. ang naging dahilan ni Manila Mayor Joseph Estrada kaya niya inendorso ang kandidatura ng senadora sa pagka-pangulo.
Hindi tulad ng ibang mga lokal na kandidato na inendorso ng mga malalaking partido, si Estrada pa ang nag-endorso ng kaniyang pambato sa pagka-pangulo at pagka-bise presidente na si Sen. Bongbong Marcos.
Inanunsyo ito ni Estrada ilang buwan matapos pag-isipan nang maigi kung sino kina Poe at Vice President Jejomar Binay na kaibigan at kapartido niya sa United Nationalist Alliance (UNA).
Ayon kay Estrada, isang mabait at mapagkakatiwalaang tao si Poe tulad ng kaniyang ama na si FPJ na kaniyang matalik na kaibigan.
Dagdag pa ng alkalde na muling tatakbo sa parehong posisyon sa halalan, may dalawang buwan na rin nang makabuo siya ng desisyon sa kung sino ang kaniyang susuportahan ngunit minabuti niyang itago na lang muna ito.
Hindi rin naman aniya hiningi ng inaanak niyang si Poe ang kaniyang endorsement.
Samantala, no hard feelings naman para sa pamilya Binay ang nasabing pag-endorso ni Estrada kay Poe bilang pangulo.
Sa proclamation rally ni Abby Binay na tatakbong alkalde ng Makati City, sinabi niyang nirerespeto ng kanilang pamilya ang naging desisyon ng kanilang kabigan na si Estrada.
Naniniwala rin aniya siya na karamihan sa mga pulitiko ay nagiging magkalaban dahil lang sa eleksyon ngunit bumabalik rin ang pagkakaibigan pagkatapos nito.
Ganoon din ang paniniwala niya sa sitwasyon ng kanilang pamilya kaugnay sa desisyon ni Estrada na naging runningmate ng kaniyang amang si Vice President Jejomar Binay noong 2010 elections.
Sa laki at tagal aniya ng pagsasamahan ng pamilya Binay at Estrada, hindi ito sapat na dahilan para hindi na manatili ang kanilang pagkakaibigan.