Umiiral ang Northeast Monsoon o Amihan at Tail-end of Frontal System sa ilang parte ng bansa.
Ayon kay PAGASA weather specialist Chris Perez, magdudulot ang weather systems ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan, pagkidlat at pagkulog.
Partikular na maaapektuhan nito ang Cagayan Valley, Cordillera Administrative Region (CAR), Aurora at Quezon sa Lunes ng gabi, December 21.
Dahil dito, babala ni Perez, mag-ingat na rin sa posibleng maranasang pagbaha o pagguho ng lupa.
Sa nalalabing bahagi naman ng Northern at Central Luzon, Calabarzon, Metro Manila, maaaring makaranas ng mahihinang pag-ulan dulot pa rin ng Amihan.
Sa bahagi naman ng Palawan, posible pa ring magdulot ang trough ng Tropical Depression Vicky ng maulap na kalangitan, mahinang pag-ulan at isolated thunderstorm.
Ani Perez, magiging maaliwalas na ang panahon sa Visayas at Mindanao.