Walang balak ang Palasyo ng Malakanyang na bawiin ang utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na pinapayagan ang mga pulis na magdala ng baril kahit na hindi naka-duty.
Pahayag ito ng Palasyo matapos ang kontrobersiyal na pamamaril ng pulis-Parañaque na si Senior Master Sergeant Jonel Nuezca sa mag inang Sonya Gregorio, 52-anyos, at Frank Anthony Gregorio, 25-anyos, sa Paniqui, Tarlac.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, proteksyon ng mga pulis ang baril at hindi para sa personal na kaaway.
Sinabi pa ni Roque na bugok na pulis si Nuezca.
“Hindi po. Gaya ng aking nasabi kanina, isang bugok lang po iyang pulis na iyan; hindi naman po lahat ng pulis eh gaya niya. Siyempre po, ang baril eh para sa proteksyon ng ating mga kapulisan, hindi po iyan para gamitin laban sa kanilang mga personal na mga kaaway,” pahayag ni Roque.
“In any way, policy cannot be formulated on the basis of aberrations,” dagdag ng kalihim.
Sinabi pa ni Roque na wala ring balak si Pangulong Duterte na lagyan ng tape o selyo ang mga baril ng mga pulis ngayong panahon ng Pasko.
“Hindi naman po barilan ito para sa Bagong Taon. Iyong gun muzzling po para masigurado na hindi gagamitin ang baril bilang paputok sa Bagong Taon,” pahayag ni Roque.