Sen. Tito Sotto nagpahiwatig ng suporta sa pagbuo ng Department of Overseas Filipinos

Pasok sa kanyang isinusulong na ‘right sizing’ sa burokrasya ang nais ng Malakanyang na pagbuo ng Department of Overseas Filipinos.

Ito ang sinabi ni Senate President Vicente Sotto III at aniya sinuri niya ng husto ang panukala at aniya sa kanyang palagay ay makakatulong ito para mas maging epektibo ang pagtugon sa mga pangangailangan ng mga Filipino na nasa ibang bansa.

Paliwanag ng senador, may Philippine Overseas Employment Administration, Overseas Workers Welfare Administration at may isang kawanihan pa na nasa ilalim ng Department of Foreign Affairs ang mandato ay para din tutukan ang pangangailangan ng mga overseas Filipinos.

Sa kanyang palagay, dagdag pa ni Sotto, magiging masinop na ang mga pag-aksyon para sa mga overseas Filipinos dahil ilalagay na lang sa iisang bubong ang mga ahensya na tumutugon sa kanilang mga pangangailangan.

Pahiwatig pa nito, maaring magkaroon ng pagdinig sa Senado ukol sa panukala ni Senator Christopher Go bago ang pagbabalik ng sesyon sa Kongreso sa Enero 18.

Sinertipikahan na ni Pangulong Duterte ang panukala bilang urgent.

 

 

Read more...