P3.2-M halaga ng mga gamit, ibinigay ng DAR sa mga magsasaka

Aabot sa P3.2 milyong halaga ng kagamitan ang ibinigay ng Department of Agrariran Reform sa mga magsasaka sa Ramon Magsaysay, Zamboanga del Sur.

Ayon kay DAR Secretary John Castriciones, layunin nitong patuloy na maiangat ang antas ng pamumuhay at mapataas ang ani ng mga magsasaka.

Dalawang agrarian reform beneficiaries’ organizations ang nakatanggap ng ayuda.

Ito ay ang Campo IV Agrarian Reform Beneficiaries at Farmers Cooperative (CIVCABEFAMCO).

Kabilang sa ibinigay ng DAR ang P1.15 milyong delivery truck at P1.2-milyong multi-purpose building/warehouse na pakikinabangan ng 379 magsasaka, samantalang ang Lower Tiparak Tambulig Irrigator Association (LOWTIPTAM, IA) sa munisipalidad ng Tambulig ay tumanggap ng P950,000 halaga ng 4-wheel drive tractor na pakikinabangan ng 226 na magsasaka.

Ayon kay Castriciones, patuloy na nagkakaloob ng mga suportang serbisyo sa agrarian reform beneficiaries (ARBs) bilang pagpapakita na sila ay mahalaga sa administrasyon ito dahil sa patuloy nilang pagkakaloob ng seguridad ng pagkain sa bansa.

“Ngayong panahon ng pandemya naipakita ang importansiya ng sektor na ng agrikultura. Maraming tao ang nawalan ng pagkakakitaan at tumigil magtrabaho. Subalit ang ating mga magsasaka ay hindi tumigil sa kanilang pagsasaka, sa gitna ng krisis na ating kinahaharap. Patuloy silang nagbibigay ng maihahaing pagkain sa ating mga mesa. Kaya nararapat lamang na ibigay natin ang lahat ng suporta na maibibigay natin sa kanila,” pahayag ng Kalihim.

Sinabi naman ni Ramon Magsaysay Mayor Leonilo Borinaga Sr. na ito ang kauna-unahang pagkakataon na may bumisitang Secretary ng DAR sa kanilang bayan upang mamahagi ng mga proyekto sa mga magsasaka.

Read more...