Ayon kay Atty. Caroline Cruz, ng Pitmaster Foundation Inc., aabot sa higit P21 milyon ang naiparating na sa mga LGU ng Cagayan, Isabela at NCR noong Nobyembre at ngayong Disyembre.
“Layunin lang po namin na makatulong sa mga LGUs hanggang sa muling makatayo sa sarili nilang mga paa ang kanilang mga constituents na pinadapa ng magkakasunod na kalamidad,” ani Atty. Cruz.
Daan-daang sako at mga kahon ng mga pagkain ang inihatid ng Pitmaster Foundation sa Cagayan at Isabela, at maging sa ilang lungsod sa Metro Manila, kabilang na ang Marikina, nitong nagdaang mga araw.
Unang ipinamahagi ang mga pagkain at hygiene kits sa Isabela at Cagayan noong Nobyembre na umabot sa P15 milyon ang halaga.
Sinundan pa ito ng pamamahagi muli ng relief goods ng Pitmaster sa NCR na aabot naman sa P6 milyon noong unang linggo ng Disyembre.
Sumama rin ang aktor na si Arjo Atayde sa pag-turn over ng mga relief goods at food packs sa lalawigan.
Pinaghahandaan na rin ng Pitmaster ang pamamahagi ng mga noche buena baskets sa mga LGU sa darating na linggo para sa mga mahihirap na kababayan.