Inaprubahan ng House Committee on Population and Family Relations ang substitute bill na naglalayong gawing habangbuhay ang bisa ng mga sertipikasyon sa kapanganakan, pagpanaw at kasal.
Partikular na tinutukoy dito ang certificates na inisyu, nilagdaan, sinertipikahan at pinatunayan ng Philippine Statistics Authority (PSA), Local Civil Registry Offices (LCROs) at National Statistics Office (NSO).
Ayon kay Committee chairman at Guimaras Rep. Ma. Lucille Nava, isa sa mga pangunahing may-akda ng panukala, nagdudulot lamang ng kalituhan ang pansamantalang bisa ng birth, death at marriage certificates na inisyu ng PSA.
Ang nasabing mga dokumento na naka-imprenta sa security paper at inisyu sa loob ng anim na buwan ay kadalang pinasusumite bilang requirement sa maraming ahensya ng pamahalaan at maging sa mga pribadong kumpanya.
Pero sabi ni Nava, bukod sa malaking abala ito sa mga Pilipino ay dagdag gastos rin at pahirap sa mga tao, lalo na sa mga nanggagaling pa sa malalayong lugar.