San Pedro Cutud, pinutakti rin ng advertisers

 

KUha ni Kimberly Dela Cruz/Inquirer

Bukod sa mga deboto na nagpapako sa krus at mga taong nagtungo sa San Pedro Cutud sa San Fernando, Pampanga upang saksihan ang mga pagpapako sa krus, halos napuno rin ng mga advertisements ang lugar noong Byernes Santo.

Mistulang naging commercial area ang San Pedro Cutud sa dami ng mga nagpaskil ng kani-kanilang mga tarpaulin at banner upang makita ng mga taong nagtungo sa lugar ang kanilang mga produkto.

Ang San Pedro Cutud ay lugar na dinarayo taun-taon ng mga deboto at mga turista dahil dito ginagawa ang tradisyunal na pagpapako sa krus ng mga deboto na naniniwalang mabubura ang kanilang mga kasalanan kung gagayahin nila ang paghihirap na pinagdaanan ni Hesukristo.

Gayunman, kapansin-pansin na taun-taon, nagiging mistulang isang piyesta na ang mga kaganapan sa lugar dahil sa dami ng mga advertisers at mga taong nagtutungo doon.

Bilang katunayan, isa sa mga telecommunications companies ang nagpaunlak ng libreng ‘live streaming’ ng pagpapako sa krus at libreng wi-fi access sa lugar.

Samantala, ayon kay Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo, hindi nila kinukunsinti ang pagpapako sa krus at maging ang anumang uri ng komersyalismo na iniuugnay dito.

Giit ng Obispo, ang sentro dapat ng Semana Santa ay ang paggunita sa paghihirap na dinaanan ni Hesus at hindi ang panggagayang ginagawa ng ilan tulad ng ginagawa ng mga ito na pagpapako sa krus.

Gayunman, nilinaw ni Ching Pangilinan, tourism head ng San Fernando, ang mga kaganapan sa San Pedro Cutud ay bahagi na ng kasaysayan ng kanilang bayan at mamamayan.

Read more...