New normal sa caroling: ‘PaskCO-VIDeo Christmas Carol Competition’, inilunsad sa Caloocan

Inanunsyo ni Caloocan City Councilor Vince Howard A. Hernandez ang pagkakaroroon ng ‘Christmas carol online’ sa lungsod bilang alternatibong paraan mula sa tradisyunal na bahay-bahay na caroling upang masigurong ligtas ang mga namamasko sa gitna ng pandemya ng COVID-19.

Tinawag na “PaskCO-VIDeo Christmas Carol Competition,” sinabi ni Hernandez na ang proyektong ito ay pinangunahan ng Sangguniang Kabataan Federation of Caloocan City sa tulong din ng Caloocan Cultural and Tourism Foundation Inc. (CCTFI).

“Hindi mapipigil ng COVID-19 dito sa Caloocan ang nakaugaliang caroling dahil kultura na ito ng mga Pilipino tuwing Pasko. Pero dahil pandemya nga at ayaw nating malagay sa alanganin ang kalusugan ng ating mamamayan, online na lang ang caroling at hindi na bahay-bahay. Tuloy ang Pasko at puwede tayong maging masaya kahit may COVID-19,” ani Hernandez, presidente ng SK federation.

Ilan sa participants ay ang mga talentadong kabataan sa Caloocan’s Zone 3, Children’s Angel Carolers ng Zone 5, ang grupong ‘The NXT Ang Probinsyano’ ng Zone 9; ang grupong ‘The CAROLERS’ ng Zone 12; ang ‘Trese Representates ng Zone 13;’ ‘The STREETS’ ng Zone 6; The Dreamers on Stage (DOS) ng Zone 16’ at ang ‘Sona Kinse’ ng Zone 15.

Panauhing pandangal sa patimpalak ang SNE Sionitas ng Sto. Nino Elementary School na pinamahalaan ni Principal Dra. Naohmie Rivera.

Hinangaan naman ni Caloocan City Mayor Oca Malapitan sa proyektong ito ni Hernandez at ng SK Fed officers dahil kahit may pandemya ay nakaiisip sila ng makabuluhang proyekto sa gitna ng dinaranas na pandemy.

“Nawa’y sa pamamagitan ng proyektong ito ng SK Federation ay maibalik ang saya sa ating mga puso ngayong Kapaskuhan at maramdaman po ang malasakit at pagmamahal sa inyo ng inyong lokal na pamahalaan,” ani Malapitan.

Mapapanood via online sa official Facebook page (@Caloocan SK Federation) ng SK Fed ang grand finals sa darating na Disyembre 20.

Ani Vince, ang magiging kampeon sa kompetisyon ay makatatanggap ng Php50,000; ang first place ay may premyong Php30,000, ang second placer ay may Php20,000; ang third placer ay may Php15,000; ang fourth placer mananalo ng Php10,000, may tatlong P5,000 consolation prize.

Ang ‘criteria for judging’ ay 50 percent for presentation, 20 percent for relevance to the theme, 20 percent for originality, and 10 percent para costume/props.

Magiging ‘inter-zone’ ang patimpalak na ito kung saan ay bawat barangay zone ay maaaring magpasok ng kanilang participants na binubuo ng walo hanggang 12 miyembro na pawang bonafide youth-residents ng lungsod.

Kailangan ay i-endorso sila ng kanilang zone chairman, ayon pa kay Konsi Vince.

Ang mga contestants ay dapat nasa 15-30 taong gulang. Maaring sumali ang minors, ngunit kailangang may permiso sila ng magulang o guardians,

Kahit sinong elected officials, maliban sa SK chairmen, ay puwedeng sumali sa kompetisyon.

Bibigyan ng tig-lima hanggang walong minuto ang ‘video presentations’ ng mga kalahok na pinagbawalang magpasok ng mga death-defying act o stunt. Bawal din ang bastos, mura at mapanakit na salita, gayundin ang mga mahahalay o immoral na performance sa pagkanta at pagsayaw.

Hindi rin hinihikayat ang lahat na gumamit ng hindi OPM (original Pilipino music) na materyales dahil na rin sa ‘copyright issue.’

Wala ring attire, props, materials sa performances na papahintulutan tulad ng may alak, sigarilyo, illegal na droga o iba pang masasamang bisyo, samantalang ang paggamit ng apoy o iba pang mapanganib na bagay ay hindi rin pinapayagan sa kompetisyon.

Ang bawat kalahok ay dapat magkaroon ng sarili nilang musika, props, at iba pang materyales na ikagaganda ng kanilang piyesa.

Ilalagay sa ‘flash drive’ ang kanilang natapos na video na madaling ma-access ang format at kailangang isumite sa mismong araw ng rehistrasyon sa pamamagitan ng pag-email sa SK Fed.

Lahat ng miyembro ay kailangang kilalanin at sundin ang minimum health standards (face mask, face shield, social distancing, etc.)

May pitong judges na kukunin ang SK federation officers na aatasang pumili sa limang top 5 contenders sa grand finals. Ang desisyon ng mga hurado ay pinal at hindi na mababawi sakaling i-anunsiyo ito sa publiko.

Ang sinumang mabigong sundin ang mga ganitong uri ng alituntunin ay awtomatikong disqualified at kahit consolation prize ay wala rin silang matatamo.

 

 

 

 

Read more...