Pag-apruba sa hirit na dry run ng face-to-face classes, welcome sa DepEd

Welcome sa Department of Education (DepEd) ang pag-apruba ni Pangulong Rodrigo Duterte sa hirit nilang face-to-face classes sa Enero sa taong 2021.

Isasagawa ito sa mga piling eskwelahan lamang sa mga lugar kung saan mababa ang bilang ng kaso ng COVID-19.

Sinabi ng kagawaran na hindi pipilitin ang mga estudyante na makiisa sa dry run.

Maaari pa ring ituloy ng mga mag-aaral ang distance learning kung iyon ang kanilang nais.

Hihingi ng pahintulot ang mga mapipiling paaralan sa mga magulang kung papayagan ang kanilang mga anak na sumali sa limitadong face-to-face classes.

Ipapatupad lamang ang nasabing plano sa mga lugar na nasa ilalim ng Modified General Community Quarantine (MGCQ).

Kailangan magkaroong ang mga paaralan ng ulat upang malaman ang kahandaan sa face-to-face classes.

Sa ngayon, nagsumite na ang Regional Directors ukol sa mga napili nilang paaralan base sa kondisyon ng DepEd.

Malalaman ang bilang ng mga mapipiling pampublikong paaralan na makakasama sa dry run ng limitadong face-to-face classes oras na matapos ang pagsusuring gagawin sa pagtupad sa mga panuntunan at sa kahandaan.

Matapos na mapili, dadaan ang mga paaralan, LGU, mga estudyante at magulang sa masusing orientation at kumpirmasyon ng kanilang kaalaman at kahandaan bago ang pagpapatupad ng face-to-face classes.

Read more...