Justice at Interior Ministers sa Belgium, nais nang bumaba sa pwesto

Belgian Interior Minister Jan Jambon and Justice Minister Koen Geens (R) REUTERS/Francois Lenoir
Belgian Interior Minister Jan Jambon and Justice Minister Koen Geens (R) REUTERS/Francois Lenoir

Kusa nang nag-desisyon ang mga justice at interior ministers ng Belgium na bumaba sa pwesto, sa gitna ng mas dumaraming ebidensya na nagkaroon ng pagkukulang sa kanilang panig nang hindi nila napigilan ang mga pag-atake sa Brussels kamakailan lamang.

Gayunman, tumanggi si Belgian Prime Minister Charles Michel na tanggapin ang resignation ng mga nasabing opisyal.

Nakiusap si Michel kina Interior Minister Jan Jambon at Justice Minister Koen Geens, na huwag munang lisanin ang kanilang posisyon dahil na rin sa hirap ng pag-subok na kinakaharap ng kanilang bansa ngayon.

Ayon kay Geens, wala silang dapat na ipagmalaki sa mga naganap, bagkus ay sa tingin niya ay may nagawa sila na hindi dapat nila ginawa kaya ito nangyari.

Para naman kay Jambon, habang inilalatag lahat ng mga impormasyon at detalye, nagiging kwestyonable ang naging performance ng kanilang gobyerno.

Una nang kinwestyon ng pamahalaan ng Turkey sa tila pagbalewala ng Belgium sa kanilang babala na isang “foreign terrorist fighter” ang isa sa mga suspek sa pag-atake na si Ibrahim El Bakraoui.

Inanunsyo noong Miyerkules ng Turkey na nahuli nila si Ibrahim El Bakraoui sa border ng Syria at Turkey, ngunit nagpa-deport din ito sa Netherlands.

Pinakawalan siya ng mga Dutch officials dahil umano sa kakulangan ng ebidensyang nagpapatunay na may koneksyon si El Bakraoui sa mga jihadis.

Si Ibrahim El Bakraoui ang isa sa mga sinasabing suicide bombers sa paliparan sa Brussels, kasama sina Najim Laachraoui at isa pang hindi pa nakikilalang suspek na hanggang ngayon ay pinaghahanap pa ng mga otoridad.

Read more...