Mga nagbebenta ng mga sasakyan, dapat magtanim ng puno – Sen. Lapid

Inquirer File Photo

Naghain ng panukala si Senator Manuel “Lito” Lapid na layong pagtanimin ng 10 puno ang mga nagbebenta ng sasakyan sa bawat isang unit na kanilang maibebenta.

Sa kanyang Senate Bill 1938, ang pagtatanim ng puno ay dapat gawin sa loob ng anim na buwan simula na maibenta ang sasakyan.

Paliwanag ni Lapid, layon nito na may maiambag sa reforestation programs ng gobyerno ang mga nasa sektor ng paggawa ng mga sasakyan.

Aniya, hindi maikakaila ang polusyon na nagmumula sa mga sasakyan at malaking tulong para maibsan ang epekto nito ang mga puno.

Binanggit din ng senador na ang nangyaring pamiminsala ng mga nagdaang super bagyo at muling napapag-usapan ang epekto ng pagkalbo sa mga kabundukan at kagubatan sa mapaminsalang baha.

“Hindi naman lingid sa ating kaalaman na kabilang sa nagpapadumi ng ating hangin at kasama na rin sa dahilan ng pagkasira ng ating kalikasan ay ang mga sasakyan at ang ibinubuga nitong usok. Ngayon ramdam na natin ang tindi ng galit ng kalikasan lalo na sa panahon ng mga sakuna gaya ng bagyo kaya ngayon na rin ang tamang panahon na sa tingin ko ay dapat na aksyunan natin ang problemang ito,” sabi ng senador.

Read more...