Brussels attacks, posibleng isinagawa ng 5 suspek

(Belgian Federal Police via AP)
(Belgian Federal Police via AP)

Hindi bababa sa apat ang bilang ng mga suspek na itinuturo ng mga otoridad na responsable sa mga pagpapasabog sa isang paliparan at subway station sa Brussels, Belgium.

Kabilang na dito ang magkapatid na suicide bombers na sina Ibrahim at Khalid El Bakraoui, ang hinihinalang bombmaker sa Paris attacks na si Najim Laachraoui, at isa pang hindi nakikilalang suspek na haggang ngayon ay hindi pa nila natutukoy.

Ngunit, sa pagpapatuloy ng imbestigasyon, posibleng mayroon pang ika-limang suspek, na kasama sa pag-atake sa subway station.

Base sa ulat ng Belgian state broadcaster na RTBF at ng Le Monde at BFM television ng France, isang lalaki ang nakuhanan ng surveillance camera sa Brussels na may bitbit na malaking bag, kasama si Khalid El Bakraoui.

Ayon sa RTBF, hindi pa malinaw kung kasama sa mga namatay sa subway station ang nasabing hinihinalang suspek o kung ‘at large’ ba ito, dahil hindi rin naman agad tumugon ang mga prosecutors sa ulat.

Matatandaang una na ring lumabas sa imbestigasyon na minadali ng grupong ito, na konektado sa Islamic State group, ang pag-atake sa Brussels dahil sa takot na mahuli sila ng mga otoridad kasunod ng pagkakahuli sa sinasabing utak ng Paris attacks na si Salah Abdeslam.

Isang araw matapos ang naganap na mga pag-atake sa Brussels, nagsagawa ng emergency meeting ang European Union justice at interior ministers./

Read more...