400 fighters, sinasanay ng IS para umatake sa Europe

AP photo
AP photo

Hindi bababa sa 400 na attackers ang sinasanay ng Islamic State (IS) group para magsagawa ng sunud-sunod na mga madugong pag-atake sa Europe.

Nagpapadala umano ang IS ng marami at magkakaugnay na grupo sa iba’t ibang lugar tulad na lamang ng ginawa nila sa Brussels at Paris.

Ayon sa mga opisyal, na kinabibilangan ng mga European at Iraqi intelligence officials at isang French lawmaker, ibinigay na sa mga na-deploy na grupo ang kapangyarihan para pumili kung saan at kailan sila aatake para makatiyak ang mas malaking pinsala at mas maraming buhay na masasawi.

Ipinapakita lamang ng paggalaw na ito ng IS, na lumalawak ang kanilang network sa Europe habang unti-unti na silang nawawala sa Syria at Iraq.

Sinasanay anila ang mga attackers sa mga kampo sa Syria, Iraq, at posibleng pati sa dating Soviet bloc, para targetin ang West.

Bago naman mapatay sa isang raid, sinabi na rin ng ringleader ng Paris attacks na pumasok siya sa Europe na kabilang sa isang multinational na grupong binubuo ng 90 na mandirigma, na ngayon ay nakakalat sa halos buong paligid.

Sa kabila naman ng pagkakahuli sa isa sa mga pangunahing suspek sa Paris attacks na si Salah Abdeslam, naipagpatuloy pa rin ng kaniyang mga kasamahan ang pag-atake sa paliparan at istasyon ng tren sa Brussels, Belgium na ikinasawi ng 31 katao at ikinasugat ng higit sa 270 na iba pa.

Read more...