Ayon kay Joint Task Force Bicolandia chief Major General Genty Robinson Jr., makakapiling na ng 10 komunista ang kani-kanilang pamilya ngayong Pasko.
Kabilang sa mga sumuko ang siyam na miyembro ng NPA terrorists at isang miyembro ng Sangay ng Partido sa Lokalidad.
Nakatutuwa ayon kay Robinson na naliwanagan ang mga komunista at nagbalik-loob sa pamahalaan.
Isinuko rin ng mga komunista ang walong armas na kinabibilangan ng M653 rifle, M16 rifle, calibre .30 US M1 garand rifle, 12 gauge shotgun, calibre .45 pistol, dalawang calibre .38 revolvers, homemade 12 gauge shotgun, tatlong rifle grenades, dalawang anti-personnel mines, isang magazine, iba’t ibang cartridges para sa mga baril at terroristic propaganda materials.
Sumasailalim na sa debriefing at profiling ang mga nagbalik-loob na komunista at ipapasok sa Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP).
Sa ilalim ng programa, bibigyan ng pinansyal na ayuda, livelihood, housing, medical at educational assistance ang mga nagbalik-loob na komunista.
“Sa mga kapatid nating dating myembro ng CTG na nagbalik-loob na ngayon sa pamahalaan, hindi kayo nagkamali sa inyong desisyon. Welcome back! Alam kong napakasaya ng inyong pamilya dahil ngayong darating na Pasko at sa mga susunod pa ay kasama na nila kayo. You can now sleep soundly because you are finally home,” pahayag ni Robinson.