Sen. Poe: Sec. Tugade, dapat magpaliwanag sa ‘cashless toll scheme’

Naghain na ng resolusyon si Senator Grace Poe para masiyasat sa Senado ang mga inirereklamong kapalpakan sa sinimulan ng cashless toll collection sa expressways.

Sinabi ni Poe na ipapatawag si Transportation Sec. Arthur Tugade para ipaliwanag ang mga reklamo ng mga motorista lalo na ang alegasyon na kulang sa pag-aaral ang pagpapatupad ng RFID system sa expressways.

Hiniling na rin niya sa DOTr na pansamantalang suspendihin ang 100-percent cashless transaction na ipinag-utos sa toll operators sa katuwiran na hindi pa 100 porsiyentong handa ang sistema.

Noong Agosto, ipinag-utos na ng DOT ang 100 percent cashless toll payment sa expressways simula noong Nobyembre ngunit naurong ito sa Disyembre nang lumabas ang mga kapalpakan.

Dagdag pa ng senadora, nawalan na ng kabuhayan ang PUV operators at drivers dahil sa pandemya at ngayon, nagsisimula na muli silang maghanapbuhay ay nasasayang din ang kanilang pasada dahil sa mahabang pila sa pagpapakabit ng RFID.

Isa pa aniyang isyu ang P500 minimum load requirement ng ilang toll operators.

“That minimum load is a big amount for some, especially if the toll they need to pay is just less than P100. That minimum load is even higher than the minimum wage,” diin ni Poe.

Read more...