Senator Grace Poe pinanindigan ang pasyang pagpapaliban sa franchise renewal ng Dito Telecommunity

Nanindigan si Senator Grace Poe sa pasya ng kaniyang pinamumunuang komite na ipagpaliban muna ang franchise renewal ng kumpanyang Dito Telecommunity.

Ayon sa senador, kailangan munang magbigay ng konkretong katiyakan ng kumpanya na maibibigay nila ang pangako sa gobyerno.

Ginawa ni Poe ang pahayag kasabay ng pagtanggi na sini-single out ng senado ang Dito.

Ayon kay Poe, ginagawa din nila ang parehong assessment sa kumpanyang Globe at Smart.

Pailwanag ni Poe, mahalagang mabusising mabuti ang performance ng mga telecom lalo na ngayon na matindi ang pangangailangan sa network connection sa bansa.

Ang Dito Telecommunity ay consortium ni Davao businessman Dennis Uy na malapit kay Pangulong Rodrigo Duterte, ng Udenna Corporation at ng subsidiary nito na Chelsea Logistics Corporation, at ng Chinese state-owned na China Telecommunications Corporation.

Ayon kay Poe, batay naman sa pahayag ng Dito, kaya nilang maibigay ang kanilang initial deliverables sa buwan ng Enero.

Kung mangyayari ito ayon kay Poe, indikasyon ito na maaaring maaprubahan ang renewal ng kanilang prangkisa.

Una nang nag-commit sa pamahalaan ang Dito na sasakupin ng kanilang network ang 37 percent ng populasyon ng bansa ngayong taong 2020 at magbibigay ng average speed na 27mbps.

Pero dahil sa naranasang pandemic, binigyan ito ng hanggang January 2021 para matupad ang ipinangako.

 

 

Read more...