Ang presyo ng pagkain ay 51.7 percent ng inflation at talaga namang lumilipad ang mga presyo ng gulay, sibuyas, kamatis, sili, pati karne at isda. Maging ang mga suggested retail price (SRP) ng Department of Agriculture at Department of Trade and Industry sa mga pangunahing bilihin ay walang habas na hindi sinusunod.
Ang masakit pa nito, ang buong Luzon ay nasa ilalim pa ng state of calamity matapos ang sunud-sunod na bagyo. At dito, ang gobyerno ay may kapangyarihang kontrolin ang mga presyo ng mga pangunahing bilihin.
Pero, kabaligtaran ang nangyayari, hindi mapigilan ang pagtaas ng mga presyo at ang mga naghihirap at naka-lockown na mamamayan ang palagiang biktima. Ang national government, hindi na kapani-paniwala ngayon dahil puro “ingay” lang ang ginagawa.
Paano ba talaga magkakaroon ng proteksyon ang mga mamimili o mamamayan sa mapagsamantalang food traders na nagkalat sa mga palengke?
Kung tutuusin, walang ibang makakadisiplina sa food traders kundi ang kanilang mga municipal at city mayors, na sa totoo lang ay may direktang kontrol sa public markets sa kanilang lugar.
Bawat public market ay nasa ilalim ng “city or municipal treasurer” sa pamamagitan ng kanilang “market administrator”na siyang namamahala sa mga “market masters” sa bawat palengke. Kung susuriin, ang market masters ang administrador sa loob ng palengke, siya ang nagbibigay ng”business permit” sa mga manininda, “peddlers/wholeseller permit” sa mga biyahero, siya rin ang namamahala sa “regulasyon” tulad ng mga “kulang sa timbang” o kaya’y panghuhuli sa mga panindang bulok o botchang baboy.
At dahil sa kapangyarihang ito, ang “market masters”, kung talagang gusto niya, ay pwedeng magbigay ng proteksyon sa bawat mamamayan na namimili sa kanyang palengke. Pero, nangyayari ba ito?
Alam niyo po, ang mga city mayor at municipal mayor ang pinuno ng Price Coordinating Councils (PCC) sa kanilang lugar. Sila ang dapat magpatupad ng mga SRP bulletin ng mga taga-DTI at Dept of Agriculture. Pero, dito po nagkakaroon ng palagian nang usad-pagong na koordinasyon. Hindi ko malaman kung “allergic” ang mayors sa DTI o sa Agriculture Secretary dahil palaging walang nangyayari. Parang ang basa ko ayaw nilang nakikialam ang mga cabinet members sa kanilang poder sa “public markets”.
Ang aking mungkahi dito, walang iba kundi pangunahan ng Department of Interior and Local government (DILG) ang kampanya laban sa gahaman na food traders at pakilusin ang mayors sa kanilang nasasakupang “public markets.” Matagal na pong naghahari ang mga “mayayamang biyahero” na araw araw ay nagdidikta ng presyo ng mga pangunahing pagkain jabang inutil at walang magawa ang DTI at DA.
Lalo na ngayong nasa “state of calamity” ang buong Luzon, dapat ay kumikilos ng husto ang mga Price control councils ng mga alkalde upang mapababa ang presyo ng mga bilihin sa kanilang lugar at tiyakin din ang suplay at kalidad ng ibinebentang pagkain.
Sinumang city mayor o municipal mayor na hindi magpapatupad ng price control sa kanyang nasasakupan ay dapat lang kasuhan ng “dereliction of duty” o gross negligence. Uutusan lang nilang magtrabaho ang mga market masters, market administrator, city treasurer kasama ng business permit chief, mahihirapang makalusot itong mga gahaman sa palengke.
Ang problema lang, karamihan ng LGU, pati na DILG tutulog-tulog din.