Palasyo, may pangambang mabatikos kung mauunang mabigyan ng COVID-19 vaccine ang matataas na opisyal ng gobyerno

Photo grab from PCOO Facebook video

Nangangamba ang Palasyo ng Malakanyang na mabatikos ang administrasyon kapag naunang maturukan ng bakuna kontra COVID-19 ang mga matataas na opisyal ng pamahalaan.

Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, maaari kasing gamitin ng kritiko ang sitwasyon at sabihin na mayroong VIP treatment gaya nang naging isyu sa PCR test.

Tahasan nang sinabi nina Pangulong Rodrigo Duterte, Senador Bong Go at Health Secretary Francisco Duque III na handa silang unang magpaturok ng bakuna.

Ayon kay Roque, kahit na ano pa man ang gawin ng gobyerno, tiyak na babatuhin ito ng mga kritiko.

“Alam ninyo po personal na desisyon iyan ng ating mga namumuno ‘no pero kapag nangyari po iyan, babatuhin na naman ang gobyerno na inuuna ng bakuna ang mga VIPs gaya ng nangyari doon sa PCR test ‘no. So either way talagang mayroon pong mga kritiko na mambabato,” pahayag ni Roque.

Iginagalang naman ng Palasyo kung mayroon nang ilang mga matataas na opisyal ng pamahalaan ang nais na magpaturok para magsilbing halimbawa na walang masamang epekto at ligtas ang bakuna.

“So kung mayroon pong ilang mga matataas na opisyales na nais na magpaturok para magsilbing halimbawa na wala naman pong masamang epekto sa kanila ang bakuna, we welcome that. Pero gaya ng aking sinabi po, tandaan ninyo ‘pag nangyari iyan, iyong oposisyon sasabihin na naman mayroong VIP treatment,” dagdag pa nito.

Read more...