BIFF, nagalit sa katagang ginamit ni Roxas sa debate

Tinawag ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) si presidential candidate Mar Roxas na ignorante at isang “aggressor.”

Binanatan kasi ng BIFF ang katagang ginamit ni Roxas na “Muslim na mananakop” sa isa niyang sagot sa ikalawang presidential debate ng Commission on Elections (COMELEC) sa Cebu noong Linggo.

Ayon kay BIFF spokesperson Abu Misri Mama, ipinakita lang ni Roxas ang kakapusan niya ng kaalaman tungkol sa konteksto at kasaysayan ng mga Bangsamoro at ng Mindanao.

Pinasinungalingan niya ang sinabi ni Roxas, at sinabing hindi mananakop ang mga Muslim, bagkus ay sila pa nga ang orihinal na naninirahan doon simula pa noon.

Ipinunto pa nga ni Mama na malugod at walang diskriminasyon nilang tinanggap at tinulungan ang mga taga-Visayas nang dumayo sila sa kanilang lugar.

Dismayado si Mama sa patuloy na pag-iral ng religious bigotry o diskriminasyon sa kanilang mga Muslim na hinuhusgahan nang dahil lang sa kanilang relihiyon.

Ikinabahala rin niya ito at sinabing ang pulitikong tulad ni Roxas ay hindi dapat manalo dahil mangangahulugan lamang ito ng mas malalang gulo sa Mindanao.

Dahil dito, sakali man aniyang manalo si Roxas, hinamon nila ang kandidato na harapin sila sa isang labanan.

Samantala, dumepensa naman si Roxas at iginiit na ang tinutukoy niya sa katagang iyon ay ang mga rebeldeng Moro National Liberation Front (MNLF) na nagpa-siklab ng Zamboanga Siege.

Paliwanag niya, hindi niya minamasama ang mga Muslim at ang relihiyong Islam, kundi iyong mga nanugod at naghasik ng terorismo sa Zamboanga noong 2013.

Aniya pa, nilagyan lamang ng malisya at ginawan ng kontrobersya ang bahaging iyon ng kaniyang sagot tungkol sa tanong ni Sen. Grace Poe kaugnay sa kawalan umano ng tiwala ni Pangulong Aquino kay Roxas.

Sinabi naman ni Daang Matuwid coalition spokesperson Rep. Barry Gutierrez, malinaw na nasa loob ng konteksto ng Zamboanga siege ang isinagot ni Roxas noong panahong iyon.

Read more...