Duque, bilib sa mga hakbang ni Moreno para maiwasan ang pagkalat ng COVID-19

Manila PIO photo

Napabilib si Health Secretary Francisco Duque III sa hakbang na ipinatutupad ni Manila Mayor Isko Moreno sa lungsod para maiwasan ang pagkalat ng COVID-19.

Pinuri ni Duque si Moreno gitna nang pag-i-inspeksyon sa Divisoria.

“Ako po ay humuhanga sapagkat sinusunod po ng pamunuan ng Maynila ang lahat ng mga panuntunan, lahat po ng mga abiso mula sa Department of Health at ang aking pong panawagan ay sumunod lang po tayo. Iyan lang po ang ating taglay na proteksyon,” pahayag ni Secretary Duque.

Kasabay nito, nanawagan sina Mayor Isko at Secretary Duque sa mga manininda at mamimili sa Divisoria na sumunod sa ipinatutupad na minimum health protocols gaya ng pagsusuot ng face masks o face shields at pag-obserba sa social distancing.

“Welcome kayo sa Maynila, pero gusto ko ipaalala sa inyo, may COVID-19 sa Maynila, meron pang impeksyon kaya pakisuyo lang, disiplinahin niyo ang inyong sarili at ang gusto kong disiplina ‘di yung sinasaway pa, kusang disiplina, magmalasakit kayo sa kapwa,” ani Mayor Isko sa kaniyang pahayag sa harap ng mga manininda at mamimili sa Divisoria.

Ipinaalala rin ng alkalde ang kahalagahan ng kooperasyon ng mga mamamayan, lokal na pamahalaan at pamahalaang nasyunal upang mapagtagumpayan ang laban sa COVID-19.

“Ang mask, nilalagay sa bibig, tintakpan ang ilong. ‘Yun lang naman ang pakisuyo ko. Obligsayon at responsibilidad pero bilang mamamayan meron tayong responsibilidad sa ating sarili at sa ating mga mahal sa buhay kapag umuwi na kayo sa kani-kaniya niyong mga tahanan,” dagdag ni Mayor Isko.

Samantala, bago magtungo sa Divisoria ay nagpulong din ang ilang opisyal ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila at Department of Health sa Manila City Hall.

Dito ay pinasalamatan ng alkalde si Secretary Duque sa suportang ibinigay ng kanilang kagawaran sa pagpapaunlad ng medical facilities ng Maynila sa gitna ng pandemya.

“Still, we continue to reinforce our load capacity, the way we are guided by the DOH with regard to the medical institution load capacity and Quarantine Facility,” pahayag ni Mayor Isko.

Read more...