Stranded seafarers sa mga hotel, pinatutulungan sa gobyerno

Congress photo

Pinatutulungan ni House Committee on Labor and Employment at 1PACMAN Partylist Rep. Enrico Pineda sa pamahalaan ang nasa mahigit 200 seafarers na naka-quarantine at stranded sa dalawang hotel sa Metro Manila.

Ayon kay Pineda, base sa nakarating na ulat sa kanya, Oktubre pa lamang ay naka-quarantine na sa iba’t ibang hotel ang seafarers na sa kabuuan ay 431 at wala rin silang natatanggap na kompensasyon o allowance.

Bukod dito, hindi rin aniya makakain nang maayos ang nasabing seafarers.

Sabi ni Pineda, hindi ito makatarungan dahil ang quarantine ay dapat 14 na araw lamang.

Sumailalim na aniya ang mga ito sa swab test at lumabas na negatibo naman sa COVID-19.

Base sa huling ulat sa kanya ay nakaalis na ang nasa 200 sa mga ito pero mayroon pang nananatili sa mga hotel.

Nagkakaroon na aniya ng epektong emosyonal ang ginawa sa kanila dahil para itong ikinulong.

Nakipag-ugnayan na aniya ito sa DOLE at OWWA para makausap ang manning agency na CF Sharp upang malaman kung ano ang plano sa seafarers at para matulungan ang mga ito.

Dapat sana ay nakatakdang sumakay ang mga ito sa cruise ship noong October 30 pero naurong ng November 29 at hindi rin natuloy.

Pinag-aaralan naman ng kongresista ang pagsasagawa ng kanyang
komite ng imbestigasyon sa sitwasyon ng stranded seafarers at ang posibleng pagpapanagot sa manning agency.

Read more...