Palasyo, ikinalungkot ang bilang ng mga Filipino na walang trabaho

Photo grab from PCOO Facebook video

Nalulungkot ang Palasyo ng Malakanyang na nasa 3.8 milyong Filipino pa ang walang trabaho.

Base sa ulat ng Philippine Statistics Authority, 3.8 milyon ang walang trabaho noong Oktubre.

Pero mas mababa sa 4.6 milyon na naitala noong Hulyo.

Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, bagamat bumaba na ang bilang, nakalulungkot pa rin ang balita dahil marami pa sa mga Filipino ang walang hanapbuhay.

“Well, marami pa rin po iyan kaya nakakalungkot nga po iyan. Kaya nga po naging advocacy na natin na iyong sa mga lugar na nagbubukas ng turismo, dahil ang turismo po ay tinatawag na low-flying … low—anong tawag doon? [laughs] Parang napakadali pong magbigay ng hanapbuhay sa turismo eh sinusuportahan po natin ‘no sa ating mga press briefing,” pahayag ni Roque.

Ito aniya ang dahilan kung kaya ginawang adbokasiya na buksan ang turismo sa gitna ng pandemya sa COVID-19.

Ayon kay Roque, kailangan nang buhayin ang ekonomiya para makapag-hanapbuhay ang mga Filipino basta’t ingatan lamang ang buhay.

“Totoo po iyan na kaya po bahagyang bumaba ang numero ng mga walang trabaho ay dahil unti-unti po tayong nagbubukas. Sabi nga po ni Presidente, kaya naman po nating buksan ang ekonomiya basta pag-ingatan ang ating mga buhay para tayong lahat ay makapaghanapbuhay,” dagdag nito.

Halimbawa na aniya ang pagsusuot ng face mask, face shield, paghuhugas ng kamay at physical distancing.

Read more...