Sa isang pahayag sinabi ni senadora Grace Poe, chairman ng senate committee on public services, na nakatakda ang hearing sa Disyembre 7.
Nauna rito ay hiniling ni Senadora Risa Hontiveros sa senado na madaliin ang imbestigasyon sa AFP-Dito deal sa harap ng mga pangamba ng mga eksperto sa Filipinas hinggil sa umano’y panghihimasok ng China-owned Dito telco sa bansa.
Ang tinutukoy ng lady senator ay ang kasunduan na magbibigay-daan para makapagtayo ang Dito ng cell sites sa military camps ng bansa.
Nagpahayag ng pagkabahala si Hontiveros sa bagong pag-aaral ng CreatorTech kung saan lumitaw na direktang nagre-report ang ChinaTel sa Chinese Ministry of Industry and Information Technology, at ang ChinaTel ay malapit sa Armed Forces ng China.
“This fact alone is alarming enough, especially at a time when China continues her adventurism in contested territories in the West Philippine Sea. This (Dito) is a proxy of a Chinese regime intent on pushing its weight around and imposing its will upon the region” pagbibigay-diin ni Hontiveros.
Hinimok ng senadora ang Senate Committee on National Defense na agad na dinggin ang kanyang Senate Resolution 137 na kanyang inihain noong 2019 na humihiling na imbestigahan ang AFP-Dito deal.
“Time and again, I have raised concerns regarding China-owned Dito telco’s intrusion in the country. The revelations in CreatorTech’s new study are not surprising, given that many of our own experts have already flagged national security issues,” aniya.
Sinabi pa ni Hontiveros na paulit-ulit na siyang nagbabala na ang ChinaTel, “na may 40% stake sa Dito, ay 100% na pag-aari ng People’s Republic of China” at “naniniwala rin ang CreatorTech na mahalagang mailabas” ang babalang ito.
“We, in the senate, should stop ignoring these blatant red flags. Pambansang interes at seguridad ang nakataya,” dagda pa niya.
Ang babala ni Hontiveros ay base sa isang telecommunications study na ipinalabas kamakailan ng Creator Tech, isang ASIA Pacific consulting firm na naka-base sa Australia.
Ang pag-aaral na may titulong, “A Study Into The Proposed New Telecommunications Operator In The Philippines: Critical Success Factors and Likely Risks,” ay nagpahayag ng pagkabahala sa pambansang seguridad at sa pagpili at napipintong operasyon ng Dito Telecommunity-China Telecom bilang third telco player ng bansa.