Ayon kay Mayor Isko Moreno, inatasan na niya si Vice Mayor Honey Lacuna-Pangan at ang City Council na pag-aralan ang pagbuo ng ordinansa hinggil sa bagong patakaran para sa mga menor de edad.
Ito’y matapos ibigay ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa mga lokal ng pamahalaan ang awtorisasyon sa paglalabas ng ordinansa hinggil dito.
“Basta po sakaling magdedesisyon, ang inatas naman sa amin kung mapagdedesisyunan ng lokal, gagawa po ng ordinansa. In fact, pinag-aaralan po namin kung paano gagawin ang ordinansa. Kahapon kausap ko na si Vice Mayor Honey Lacuña at ang konseho at pag-aralan na,” pahayag ni Mayor Isko.
Aniya, kailangan ang masusing pag-aaral bago luwagan ang regulasyon sa mga kabataan lalo na’t maraming aktibidad ang maaaring ilunsad kasabay ng pagdiriwang ng Pasko at Bagong Taon.
“Pinag-aaralan namin nang husto. Ano ba ang suhestyon ng mga siyentipiko lalo na ng mga doktor, totoo ba na ang mga bata ay ‘di masyadong kinakapitan ng virus? The Harvard community came up with other studies na nagpapakita na posible rin magdulot ng impeksyon sa kanilang bahay ang mga bata. Kaya, ang mga ito ay pagbabalanse ng batas na talagang sinusubukan nating pamahalaan ang mga panganib. We really try to manage the risk,” dagdag ni Mayor Isko.
Iminungkahi rin ni Mayor Isko na dapat bigyan ng karampatang konsiderasyon ang kakayahan ng mga pamahalaang lokal na tugunan ang sitwasyon sakaling tumaas ang bilang ng kaso ng COVID-19 sa kani-kanilang mga komunidad.
“Gaano ba kalaki ang posibleng numero ng impeksyon at ang kapasidad namin? Hindi naman kaila na kami naman ay nakapaghanda nang husto with regard to the load capacity of our institutions and our medical facilities, pero kailangan pa rin maging vigilant,”pahayag ni Mayor Isko.