Dumalo si Roque sa naturang event kung saan dinumog ng tao at hindi nasunod ang health protocols kontra COVID-19.
Apela ni Roque sa mga kagawad ng media partikular na sa Inquirer at ABS CBN na maging patas ang pagbabalita.
Ayon kay Roque, nakadidismaya na pinuna ng husto ang event nya sa Cebu samantalang hindi naman pinuna ng media ang pagbisita ni Vice President Leni Robredo sa Bicol Region na nakipagkamay pa na mahigpit na ipinagbabawal dahil sa COVID-19.
Aminado si Roque na sumama ang kanyang loob sa Inquirer at ABS CBN dahil bakit siya lang ang napuruhan sa mga batikos.
“Ang ikinakasama ko ng loob, bakit ako pinupuruhan palagi ng Inquirer at ng ABS-CBN? Bakit noong nakikita ninyo sa screen si VP Leni nakipag-handshake-handshake pa, o hindi ba violation ito ng restriction on social distancing? Ang tanong ko naman sa mga media na mga kasama natin, patas sana,” ayon kay Roque.
Ayon kay Roque, pinagalitan niya ang mga tao na dumalo sa Daanbantayan event dahil hindi sumusunod sa health protocols.
Agad na rin aniyang pinutol ang programa nang mapansin na dumagsa na ang nga tao.
Ayon kay Roque, hindi niya matanggap hanggang ngayon na hindi naging patas ang media lalo’t pinagpipiyestahan na siya ngayon ng mga vlogger ng mga “dilawan” o ang mga taga suporta ng Liberal Party.