Sa kaniyang pagkakataon na magpukol ng kaniyang tanong kay Roxas, tinanong ni Poe kung ang kaniyang kakulangan o kapalpakan bilang dating kalihim ng Interior at Transportation departments ang dahilan kung bakit hindi ipinagkatiwala sa kaniya ang Mamasapano operation noong 2015.
Binalikan pa ni Poe na ang mga iniatas na tungkulin kay Roxas tungkol ng pamamahala sa rehabilitasyon sa mga sinalanta ng bagyong Yolanda at Zamboanga siege bilang Interior secretary, at naging Transportation secretary rin siya kung saan nag-desisyon na palitan na ang maintenance provider ng MRT na Sumitomo.
“Sa lahat ng nangyari ay may kakulangan. Ang tanong ko lang po Secretary, hindi kaya ‘yan ang dahilan kung bakit hindi kayo pinagkatiwalaan ng Pangulo na malaman ang operasyon ng Mamasapano?” tanong ni Poe.
Dagdag pa ni Poe, mas pinagkatiwalaan pa umano ni Pangulong Aquino ang noo’y suspendidong hepe ng Philippine National Police (PNP) na si Gen. Alan Purisima sa halip na si Roxas.
Depensa ni Roxas, bahagi naman ito ng report ng kumite ni Poe na nag-imbestiga sa mga naging kaganapan sa Mamasapano encounter, kung saan nasawi ang 44 na Special Action Force (SAF) troopers, na sadyang itinago sa kaniya at kay acting PNP Chief Leonardo Espina ang operasyong iyon.
Giit pa ni Roxas, si Purisima ang pumalpak sa pag-sunod sa utos ni Pangulong Aquino, na sabihan siya at si Espina tungkol sa nasabing operasyon.
Sa halip aniya na sabihin sa kanila agad, inutusan pa umano ni Purisima si dating SAF chief Getulio Napeñas na sabihan na lamang sina Roxas at Espina oras na natapos na ang operasyon.
Hindi naman na-kuntento si Poe sa sagot ni Roxas at sinabing kung pinagkakatiwalaan siya, siya dapat ang pinapunta ni Pangulo sa Zamboanga noong panahon na iyon, ngunit si Pangulong Aquino pa mismo ang tumungo doon imbis na utusan na lang siya.