Paghayag ng pangulo na sangkot ang Makabayan bloc sa Kamara sa komunistang grupo, mariing kinondena

Muling iginiit ng Makabayan bloc sa Kamara na hindi sila komunista at legal front ng rebeldeng New People’s Army.

Ayon kay House Deputy Minority Leader at Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate, hindi totoo ang paratang sa kanya o sa kanilang grupo ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ang pahayag din aniya ng pangulo, Lunes ng gabi (November 30), sa kanyang ulat sa bayan ay taliwas sa sinasabing hindi sila nire-red tag pero iniuugnay naman sa mga rebeldeng komunista.

Itinanggi nito na opisyal o kaanib siya ng komunistang grupo pero aminado na isang aktibista at human rights lawyer.

Sabi ng mambabatas, ang ginagawang red tagging sa kanila ay ginagawa lamang ng administrasyon upang pagtakpan ang mga anila ay kapalpakan sa pagtugon sa mga problemang kinakaharap ng bansa.

Ginagamit din aniya ng administarsyon ang pagkamatay sa engkwentro ng militar at New People’s Army ng anak ni Bayan Muna Rep. Eufemia Cullamat para bigyang katwiran paratang sa kanila.

Gagamitin aniya itong basehan ng pamahalaan sa susunod na eleksyon upang ma-disqualified sila sa partylist system at tawaging mga terorista.

Nagpasalamat naman ang Makabayan bloc sa ginawang paghahayag ng suporta sa kanila ng mga kasamhaan sa Kamara maging ang liderato ng Kamara dahil ang ginagawa anyang red tagging sa kanila ay hidi lamang pag-atake sa mga militanteng kongresista bagkus sa kongreso bilang ilang institusyon.

Read more...