Pagtalakay sa panukalang Bayanihan 3, umusad na sa Kamara

Nagsimula na ang House Committee on Economic Affairs sa pagtalakay sa dalawang bersyon ng Bayanihan 3.

Layunin ng mga panukala na muling pasiglahin ang ekonomiya ng bansa na nalugmok dahil sa COVID-19 pandemic gayundin ang magbigay ng emergency aid sa mga naging biktimna ng nakalipas na mga bagyo.

Sa kanyang sponsorship speech, sinabi ni Marikina Rep. Stella Quimbo, isa sa may-akda ng panukala na kailangan gumastos ng malaki ang gobyerno para kontrahin ang pagbagsak ng ekonomiya.

Kulang aniya ang P4.5-trillion proposed 2021 national budget, na naglalaman ng programa para sa COVID-19 response.

Sa kanyang bersyon ng Bayanihan 3, nais ni Quimbo ng karagdagang P400 bilyong pondo, kung saan P330 bilyon dito ay nakalaan para sa COVID-19 response, at P70 bilyon naman para sa disaster response.

Sa bersyon naman nina Majority Leader Martin Romualdez, AAMBIS-OWWA party-list Rep. Sharon Garin at House Ways and Means committee chairman Joey Sarte Salceda, P302 bilyon ang itinutulak na karagdagang pondo, na susuporta sa proposed budget sa susunod na taon.

Ayon kay Salceda, layon ng kanilang panukala na matiyak na ang national at local government units ay makakilos at makabangon sa harap ng epekto ng mga nagdaang bagyo at mabagal na recovery sa third quarter ng taon sa gitna ng COVID-19 pademic.

Pinaglalaanan nila ng P70 bilyon ang pagbili ng mga bakuna kontra COVID-19, pagtatag ng vaccine committee at sa pagtitiyak na sapat ang health supplies.

Aabot naman ng P40 bilyon ang local government support fund para sa calamity response; P100 bilyon para sa health at resilency related infrastructure programs; at P10 bilyon para sa assistance programs sa agriculture at fisheries sector.

Ang alokasyon naman para sa rent financing ay aabot ng P7 bilyon; P10 bilyon sa mga kompanyang uutang para bayaran ang 13 month pay benefits ng kanilang mga manggagawa; P10 bilyon para sa Tulong Para sa Displaced workers (TUPAD); P10 billion para sa COVID Assistance Measures Program (CAMP); P 10 bilyon para sa Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS); P10 bilyon para sa Medical Assistance for Indigents Program (MAIP); P5 bilyon para sa TESDA at CHED; at P10 bilyon para naman sa programa ng DepEd.

Naniniwala si Salceda na kailangan ang ikatlong stimulus program upang sa gayon ay hindi lubhang lumubog ang ekonomiya ng bansa dahil mahirap nang bumangon kung maraming mga negosyo ang sarado na.

Sa kanyang tantya, ang gagastusin sa kanilang bersyon ng Bayanihan 3 ay karagdagang 1.5 percent lamang ng incremental deficit sa gross domestic product.

Read more...