Lahat ayaw sa diborsiyo, dalawa pabor sa death penalty

debatesWala sa apat na presidential candidates ang nagtaas na kamay sa tanong na payag ba silang gawing legal ang diborsyo, habang dalawa sa mga kandidato ang pabor sa pagbuhay ng death penalty.

Sa ikalawang PiliPinas debates 2016 sa Cebu City, may bagong segment na tinatawag na ‘Taas-Kamay’ kung saan kailangan lamang itaas ng mga kandidtao ang kanilang kamay kapag sang-ayon sila sa subject ng tanong.

Sa unang pagtatanong ni TV5 news chief at debate moderator Luchi Cruz-Valdez kung pabor ba ang mga Presidentiable na gawing legal ang divorce, walang nagtaas ng kamay at sa halip at nagtinginan lamang sila.

Sa ikalawang tanong naman kung pabor ba silang buhayin ang death penalty, nagtaas ng kamay sina Davao City Mayor Rodrigo Duterte at Senator Grace Poe.

Paliwanag ni Duterte, gusto niya ang death penalty para sa mga napatunayang sangkot sa droga, habang si Poe naman ay para raw sa mga dawit sa heinous crimes.

Samantala, pagdating naman sa isyu ng paghi-himlay sa mga labi ni dating Pangulong Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani, ang tanging pumabor lamang ay sina Duterte at Binay.

Nais pa sanang mag-bigay ng paliwanag ang Bise Presidente, ngunit hindi na siya napagbigyan ng pagkakataon.

Read more...