Binay, Duterte, Poe, at Roxas pabor sa Freedom of Information Bill

PiliPinasIpinangako ng apat na presidential candidates na dumalo sa ikalawang PiliPinas debates 2016 sa Cebu City na isasabatas ang Freedom of Information o FOI bill.

Sa unang round ng debate, naungkat ang usapin sa FOI bill, na bigong makapasa sa Kongreso.

Tinanong si Senadora Grace Poe ng panelistang si Ed Lingao ng TV5 kung sinu-sino sa kanyang mga katunggali sa pagka-presidente ang magsusulong at haharang sa FOI law.

Hindi nagbanggit ng pangalan si Poe, pero sinabi nito na siguarado raw na may haharang ng FOI law sa mga kasama niya sa stage, at sinisi rin ang Mababang Kapulungan ng Kongreso kung bakit hindi naisabatas ang FOI bill.

Sumagot si Liberal Standard Bearer Mar Roxas at sinabi na ‘ako ba ng tinutukoy niya?’

Ani Roxas, sakaling manalo siyang pangulo ay isasabatas niya ang mas malakas na FOI bill sabay depensa kay Pangulong Noynoy Aquino gayung nauna nitong ipinangako ang FOI approval noong kampanya.

Ayon naman kay Davao City Mayor Rodrigo Duterte, pumirma na siya sa waivers na nagpapahintulot na mabuksan ang kanilang bank accounts.

Sa panig naman ni Vice President Jejomar Binay, hindi na raw niya hihintayin na maipasa sa Kongreso ang FOI bill dahil lalagda na lamang siya ng isang executive order para tiyak na mailulusot ang panukala.

Pero kinuwestiyon ito ni Poe at sinabi kay Binay na papaano makakaasa ang mga tao sa kanya gayung kabi-kabila ang corruption issues laban sa kanya.

 

Read more...