24 na gising na lang Pasko na, pero kumusta naman ang pakiramdam nating lahat?
Lahat hilung-hilo sa sarili nating mga problema at mga matinding takot. May kanya kanyang pinagdaraanan.
Kung susuriin, umaabot na walo’t kalahating buwan nayong nasa ilalim ng ibat-ibang community quarantine. Hindi makalabas ng mga bahay ang lahat ng mga bata, tigil o work from home ang eskwela. Lahat ng senior citizens, kulong sa sariling bahay kasama ng iba pang merong mga delikadong sakit.
Naglahong parang bula ang mga dating “income” ng mga pamilya, lalo na iyong mga higit 600,000 napauwi mula abroad. Isama mo pa riyan ang mga mga empleyado dito sa atin. Maraming nagsarang mga negosyo at siyempre maraming nawalan ng trabaho. Sa mga arawan, nabawasan ang kanilang kinikita. Napakaraming restoran, opisina at pabrika ang tigil operasyon at siyempre kasama ang pangarap ng maraming may-ari nito.
Siguro ang mas maswerte lang ay iyong mga empleyado at opisyal ng gobyerno dahil ma-pandemya o bagyo o lindol ay tuluy-tuloy ang kanilang mga sahod.
Pero mas masahol ang sitwasyon ng mga namatayan ng COVID-19 at yung mga sunud-sunod na bagyo at mga trahedya. Ganoon din ang mga nawalan o nasiraan ng mga bahay at ngayo’y walang panggastos para pang-ayos o bumalik sa normal ang kanilang buhay.
Sa totoo lang, sa Paskong darating ay tuyong-tuyo sa panggastos at ang iba naman ay basang-basa, nawalan ng ari-arian at nakalubog pa sa mga baha tulad sa Isabela at Cagayan.
Sa sitwasyong ganito, kailangan natin talaga ang pagkakaisa ng lahat na tulungan ang ating mga kapwa tao. Ika nga, bayanihan kahit konting tulong lamang. National government, local government, top 1000 businessmen, Simbahan, media, NGO’s, mga foundations na nakatuon sa lahat ng sektor, youth sectors sa loob at labas ng bansa. Lahat tayo ay dapat magkaisa upang tulungan ang mga naghihirap na mga sektor.
Doon sa mga simpleng mamamayan, kahit maliit na “act of kindness” o pagpapakita ng kabaitan o kagandahang loob sa kapwa tao bawat araw ay isa nang magandang inisyatibo upang makatulong.
Halimbawa, iyon bang security guard sa inyong opisina o janitor sa opisina ay nabigyan niyo ba ng pagkain o damit? Yun bang basurero o streetsweeper sa inyong lugar ay nabigyan niyo ng sobra o kaya’y malapit nang mag-expire na mga pagkain sa inyong ref? Yun bang mga lumang mga damit niyo ay ibinigay mo na sa Segundo Mano campaign ng Simbahang Katoliko para maisama sa kanilang relief goods.
Pinadalhan niyo ba ng sobra niyong pagkain ang mga senior citizens sa inyong baranggay o kaya’y nagbigay ng lumang laruan sa mga mahihirap na kabataan?
Doon naman sa mga opisyal ng gobyerno, sana naman ay makatotohanang paglilingkod ang makita ng mamamayan sa inyo. Itigil na ang pangungurakot para naman mas marami ang makinabang lalo na ang mga biktima ng bagyo, pandemya o ng kahirapan. Huwag nang magpakita ang kayabangan o kaya’y mga bonggang paggastos para lamang sa inyong sarili. Mahiya naman kayo sa mga nakararaming nagdarahop. Panahon ngayon ng Pasko, panahon ng kahirapan ng maraming Pilipino. Magtulungan tayong lahat para kahit paano’y mapasaya ating tuyong-tuyo at basang-basang Kapaskuhan .