Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Tolentino na marapat na itigil muna ng mga 2016 elections national candidate ang bangayan bilang respeto sa kasagraduhan ng Holy Week.
Pero bukod sa political ceasefire, sinabi ni Tolentino na dapat i-atras na rin ang pagsisimula ng campaign period para sa mga local candidate.
Panukala ni Tolentino, sa halip na sa Black Saturday (March 26) ang umpisa ng kampanya para sa mga kumakandidato sa iba’t ibang lokal na posisyon, mas makabubuti kung gawin na lamang ito sa Easter Sunday (March 27).
Katwiran ng former MMDA Chief, kilala ang Pilipinas bilang isang ‘Catholic country’ at maaaring maraming magalit kung hindi pa tapos ang Semana Santa ay marami na ang nangangampanya.
Bunsod nito, apela ni Tolentino sa local candidates na magkusa na huwag munang mangampanya at sa halip ay mangiling hanggang sa matapos ang Holy Week.
Nauna nang hinimok ni House Speaker Feliciano Belmonte Jr ang lahat ng mga kandidato na ihinto muna ang mudslinging at black propaganda ngayong Semana Santa, upang makatutok sa kanya-kanyang assessment hinggil sa mga plano at plataporma at kung magbebenepisyo ba ito sa publiko.