Pagbabalik ng biyahe ng mga traditional jeep, hindi naikonsidera ng LTFRB sa pagsasara ng ESDA U-turn slots – MMDA

Iginiit ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na hindi naikonsidera ang mga traditional jeepney sa pagsasara ng u-turn slots para sa EDSA Busway System.

Ayon kay Bong Nebrija, pinuno ng EDSA special traffic and transport zone ng MMDA, naibigay na kasi ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB sa mga modernized jeepney at mga bus ang ang ruta ng mga traditional jeep.

Paliwanag nito, dahil sa marami na ang nagrereklamong driver mga traditional jeepney at karamihan pa ay namamalimos na kaya pinagbigyan na muli ang mga itong makabiyahe.

Gayunman, hindi aniya naikonsidera ang mga ito sa ginawang pagsasara ng mga u-turn slot sa EDSA kaya napakalayo ng lugar kung saan ang mga ito nag u-u-turn kahit na ipinagbabawal ang mga ito sa kahabaan ng EDSA.

Dahil dito, nakikipag-usap na aniya sila sa LTFRB para alisin ang ruta ng mga traditional jeep na dumadaan sa EDSA.

Inihayag naman aniya ng regulatory body na maglalabas ito ng memorandum patungkol dito.

Inulan ng batikos ang ginawang pagsasarado ng MMDA sa mga u-turn slot dahil sa napakalayo kung saan lamang maaring mag u-turn ang mga motorista bukod pa sa matinding traffic na idinulot nito.

Ang LTFRB ang ahensya ng pamahalaan sa ilalim ng Department of Transportation na nangangasiwa sa ruta ng mga pampublikong transportasyon sa mga lansangan maliban sa mga tricycle.

Read more...