Personal na inihatid ng senador ang tulong sa mga nagtitinda sa palengke noong Martes, Nov. 24 sa Kapatagan, Lanao del Norte.
“Sa mga kababayan kong market vendors, nabalitaan kong mahina ang inyong kita ngayon at hirap kayo dahil sa krisis sa bansa kaya nandito kami para tumulong. Pinakiusapan ko rin ang aking mga kasamahan sa gobyerno para mas tulungan pa kayo,” ayon kay Go.
Ginawa ang pamamahagi ng tulong sa Kapatagan Municipal Auditorium.
Kabilang sa ipinamahagi ay mga food packs, face masks, face shields, vitamins at mga gamot.
May mga nakatanggap din ng bisikleta mula kay Go na magagamit nila ngayong limitado pa ang public transportation.
Namigay din ang senador ng tablets na magagamit ng mga estudyante para s kanilang online classes.
“Inumin niyo ang mga vitamins na ‘yan para malakas ang inyong resistensya dahil delikado ang panahon ngayon. Gamitin niyo rin ang mga masks. Konting tiis lang, mga kapatid ko,” paalala ni Go.
“Magagamit niyo ang mga bisikleta sa inyong pagpunta sa trabaho. Mayroon ding mga tablet na magagamit ng inyong mga anak. May hiling lang ako sa inyong mga bata, mag-aral kayo ng mabuti. Ito ang kunswelo ng ating mga magulang na nagpapakamatay para mapaaral lang kayo,” dagdag ng senador.
Bilang chairman ng Senate Committee on Health, hinimok ni Go ang mga vendor na sundin ang pinaiiral na health protocols kabilang ang palagiang paghuhugas ng kamay at pagsunod sa social distancing.
Mahalaga din ayon kay Go na sa kanilang araw-araw na trabaho sa palengke ay lagi silang nakasuot ng face masks at face shields.
Tiniyak ni Go sa mga vendor na prayoridad ng administrasyon ni Pangulong Duterte ang mahihirap at vulnerable sectors sa sandaling magkaroon na ng bakuna kontra COVID-19.
“Kapag may vaccine na, uunahin namin ni President Duterte ang mga mahihirap at vulnerable para makabalik na tayo sa ating normal na pamumuhay. Alam kong naghihirap kayo pero kailangan nating magtulungan para malampasan natin ang pandemyang ito,” ayon pa kay Go.
“Galing kami ng Kauswagan para sa BP2 launch dahil may housing doon para sa ating mga kababayang taga-Lanao na naroon sa Manila at gustong umuwi. Bibigyan sila ng housing para maengganyong umuwi at bibigyan rin ng kabuhayan upang makapagsimula muli,” ani Go.
Matapos ang aktibidad nagtungo ang senador sa Kapatagan Provincial Hospital para sa paglulunsad ng ika-93 Malasakit Center.
“Pumunta rin kami dito sa Lanao del Norte para buksan ang Malasakit Center sa Kapatagan Provincial Hospital. Lapitan niyo lang ito. Ito ay para sa inyo, para sa mga Pilipino, sa mga poor at indigent,” ayon sa senador.
Ipinaliwanag ni Go na ang Malasakit Center ay isang one-stop shop kung saan naroon na ang apat na ahensya ng gobyerno, ang DOH, DSWD, PCSO at PhilHealth para matulungan sa pagpapa-ospital ang publiko.