Nakalusot na sa Senado kahapon ang P4.5 trillion 2021 national budget at ayon kay Sen. Sonny Angara, ang namumuno sa Finance Committee at nag-sponsor ng GAB, ang ginawa nilang pag-amyenda ay karagdagang alokasyon sa sektor ng kalusugan bilang pagkunsidera sa kasalukuyang pandemya.
Sinabi pa ni Angara, tinupad nila ang kanilang pangako na ang pambansang budget sa susunod na taon ay tutugon sa pakikidigma ng gobyerno sa nakakamatay na sakit.
Dagdag pa nito, makakatulong din sa mga biktima ng kalamidad ang kanilang bersyon ng GAB at tiwala siya na tutugon din ito sa pagbangon ng ekonomiya.
Napakahalaga naman ayon kay Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri ang 2021 national budget dahil magagamit ito para muling patatagin ang Pilipinas.
Umaasa naman si Sen. Grace Poe na magagamit ng tama ang pondo at dapat aniya maramdaman ng taumbayan sa pamamagitan ng paglikha ng mga bagong trabaho, gayundin sa sektor ng edukasyon.