Pumalag ang Palasyo ng Malakanyang sa pag-aaral ng Bloomberg na nasa ika-46 na pwesto ang Pilipinas sa 52 bansa na may ‘least amount of economic and social disruption’ sa COVID-19.
Isa rin ang Pilipinas sa may hindi magandang pamamaraan sa pagtugon sa COVID-19 sa Southeast Asian nation kasunod ng Vietnam, Singapore, Thailand, Indonesia at Malaysia.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, bagamat hindi pa niya nakikita ang resulta ng pag-aaral, hindi tama para sabihin na hindi naging maayos ang pagtugon ng Pilipinas sa COVID-19.
Iginiit pa ni Roque na bagamat nasa ika-22 pwesto ang Pilipinas sa buong mundo, hindi naman nasa ‘absolute top’ ang Pilipinas kung numero ang pag-uusapan.
Maliit lamang aniya ang mortality rate ng Pilipinas o ang bilang ng nga namamatay sa COVID-19.
Maliit din aniya ang bilang ng mga mga tinamaan ng COVID-19 na nasa kritikal ang kalagayan.
Nanindigan pa si Roque na nangangahulugan ito na maayos na natugunan ng Pilipinas ang pandemya sa COVID-19.
“Pero tingin ko, parang hindi po accurate iyan sa actual na nangyari. Nakikita naman po ninyo, bagama’t number 22 na tayo sa buong mundo ay hindi naman po tayo nasa absolute top in terms of numbers. At bukod pa po diyan ay maliit po ang ating mortality rate at maliit din po iyong mga nagkakasakit ng malala at ng kritikal. So, siguro po hayaan ninyong pag-aralan ko iyong report na iyan nang tayo ay makasagot. Pero pinaninindigan po natin that we have managed COVID-19 very well in this country,” pahayag ni Roque.